Hayok na hayok ngayon ang mundo sa ube, mula sa US, UK, at Japan. Noong 2025, umabot na raw sa lagpas $3 milyon ang export natin ng ube—higit doble sa exports natin noong 2024. Sinasabing baka ito na ang maging bagong matcha.

Ngunit kamakailan, binigyang-pansin ng celebrity chef na si Erwan Heussaff ang paghigpit ng supply ng ube, at isiniwalat ang umano’y kurapsyon, gatekeeping, at pamemera ng mga sangkot sa produksyon ng ube dito sa Pilipinas.

Maganda naman na pinupunto ni Erwan ang kalagayan ng mga magsasaka ng ube. Pero may mas simpleng dahilan sa isiniwalat niyang “exposé”: hindi ito misteryosong shortage, kung hindi simpleng issue ng supply at demand.

Tuwing mabenta ang isang produkto o serbisyo, natural lang na tumaas ang presyo nito. Basic lesson sa economics. Ang presyo kasi ay senyales ng “scarcity” ng isang bagay—tulad na lang ng pagpalo ng presyo ng gasolina at diesel noong Marso at Abril dahil sa giyera sa pagitan ng US at Iran.

Pagdating sa ube, sadyang 8 hanggang 10 buwan ang inaabot bago anihin ito, kaya naman kapag may bagong ube trend sa foreigners, hindi talaga agad-agad makakahabol ang supply.