Mayo 28, 2026 7:38pm GMT+08:00 SINULAT NI: JOVILAND RITA, GMA News

Sinabi ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Huwebes na “magkaugnay” ang insidente ng pagpapaputok ng baril sa Senado at ang umano’y pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa.“So, let me just say na, you know, two incidents po ‘yan. They are related,” pahayag ni CIDG chief Police Major General Robert Morico II sa isang press conference.“But the investigation is already with the Department of Justice. I do not want to preempt yung findings po ng Department of Justice,” dagdag niya.Ayon kay Morico, may sasakyan nang naghihintay sa labas ng Senado matapos umalis si Dela Rosa at ang kaniyang mga kasama mula sa gusali.Tinatayang anim katao, kabilang si Senador Robin Padilla, ang iniimbestigahan kaugnay ng posibleng reklamong obstruction of justice dahil sa insidente.Tumanggi si Morico na magbigay ng kongklusyon kung ang pagpapaputok ng baril sa Senado ay isinagawa lamang o sadyang ginamit bilang isang “supervening event” upang mabigyang-katwiran ang pag-alis ni Dela Rosa sa Senado.Una rito, kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na naglabas sila ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs ng dating administrasyong Duterte na nagsilbing hepe ng PNP ang senador.Habang naka-lockdown ang gusali ng Senado at nasa protective custody ng mataas na kapulungan si Dela Rosa noong Mayo 13, may mga putok ng baril na narinig sa loob ng gusali ng kapulungan.Makalipas ang ilang oras, umalis si Dela Rosa sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14, kasabay si Sen. Robin Padilla.Nag-deploy na ng tracker teams ang mga awtoridad upang hanapin at arestuhin ang senador.Nitong Miyerkules, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na binawi nito ang firearms licenses ni Dela Rosa, na itinuturing nilang “armed and dangerous.”Gayunman, sinabi ng kampo ni Dela Rosa nitong Huwebes na maghahain sila ng apela sa PNP kaugnay ng desisyon nitong bawiin ang kaniyang firearms license, ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Israelito Torreon. — FRJ GMA News