Halos P1.9 trilyon na ang inilaan ng gobyerno sa flood-control at flood-management programs mula 2011 hanggang 2025, ayon kay Senator Panfilo Lacson. Gayunman, baha pa rin ang sumasalubong sa maraming komunidad tuwing malakas ang ulan.
Natural lamang na itanong: Saan napunta ang pera?
Pero may tanong akong matagal nang itinataas: Nasaan ang science?
Mula pa noong 2018, may requirement na sa taunang General Appropriations Act (GAA) na dapat sumailalim ang national government projects sa multi-scenario, probabilistic analysis upang matiyak na ang disaster risk reduction at climate change adaptation measures ay angkop sa lumalalang hazards.
Hindi ito technical jargon na inilagay lang para pagandahin ang batas. Napakahalaga nito sa flood control.











