Kapansín-pansín na medyo dumadalas ang social media posts ni Vice President Sara Duterte. At ang dalawa sa latest niyang post ay ‘yung interviews habang nasa The Hague siya, kung saan nakakulong at nililitis ng International Criminal Court ang kasong crimes against humanity ng kanyang tatay na si dating pangulong Rodrigo Duterte.

Nga pala, kasagsagán ng impeachment hearing niya sa Senado, itinaon ni VP Sara ang bumiyahe sa limang bansa. Nagpaalam siya at inaprubahan naman ng Malacañang ang kanyang lakad sa Qatar, Germany, the United Kingdom, Northern Ireland, at sa The Netherlands. Lahat ng kawani ng gobyerno ay obligadong kumuha ng travel permit mapa-opisyal o personal man ang pangingibang bansa.

Palibhasa medyo nakakaantok ang Day 10 ng impeachment hearing ni VP noong Miyerkules, Hulyo 29, mas natuunán ng pansin ng mga kakomité kong mga henyo ng lansangan ang mga video ng mailap na Vice President.

Sabi ng isang mapagdudang miyembro namin, talagang timing ‘yan ni Madam Duterte. Bukod sa pinalalakas niya ang loob ng mga tagasuporta niyang OFW, nagpaparamdam din siya sa mga na’ndito sa ‘Pinas. Marami sa mga overseas Pinoy ang bilib kay VP. Sa nakaraang video ng mga grupo nila sa The Hague, kahit karton lang ng kanilang Tatay Digong ay pinagkakaingatan nila. Nagpapa-selfie pa sila kasama ang karton na tatay nila. Patuksong tinatawag tuloy sila ng mga kalabang grupo na “Karton Network.”