Handa raw siyang magpakulong kung magkaroon ng arrest warrant, ’ika ni Marcoleta. Ganyang-ganyan din ang sinabi ni Senador Bato de la Rosa bago lumabas ang mandamiento de arresto sa kanya ng International Criminal Court.
Mainit ang usapan sa umpakan ng mga henyo ng lansangan noong nakaraang linggo. Marami kasing magkakasabáy na ganap sa ating bansa. Pero ang pangyayari na nagdúlot ng altapresyón sa karamihan, at hindi lamang sa mga tambay na tulad ko, ay ’yung “surprise” rally ng mga kasapi ng Iglesia ni Cristo (INC) nung Martes, Hunyo 30.
Totoo namang mayroon tayong karapatan isigaw sa mundo ang ating mga damdamin at hinaing. Garantisado ’yan sa ating Saligang Batas. Kahit magkakaiba tayo ng pananaw, lahat ay may pantay-pantay na karapatang ipahayag ito.
Péro walang unlimited na karapatan. Báwat karapatan ay may kaakíbat na mga responsibilidad. Halimbawa, sa pagsisiwálat ng iyong damdamin, hindi ka dapat mamerwisyo ng kapwa mo. Saka — at sa tingin ko’y mas mahalaga — huwag kang lalabág sa batas.
Mga bandang ala-6 ng umaga nung Martes, lumabas sa news feeds ko sa social media ang balitang madaling araw pa lamang ay dumarami ang mga taong nag-iipon sa People Power Monument. Sabi ng reporter ng GMA News, mga kasapi ito ng INC at bus-bus ang dumarating sa kánto ng EDSA at White Plains Avenue sa Quezon City.











