Baka ang talagang layunin ni Alan Cayetano ay bulabugin, kung hindi man mapatigil, ang impeachment trial sa Senado ni Vice President Sara Duterte
Noong kainitan ng COVID-19 at rurok ng kapangyarihan ni dating pangulong Rodrigo Duterte, nakatikim ako ng hambalos ng mga troll niya.
Mayo 14, 2019, binasahan ng sakdal ang CEO namin sa Rappler na si Maria Ressa at dating researcher na si Reynaldo Santos Jr. sa kasong libel na isinampa sa Manila Regional Trial Court. Tandang-tanda ko pa ang post ko sa Facebook nung araw na ‘yun. Sabi ko, “A dark day for Philippine press.” (TIMELINE: Rappler’s cyber libel case)
Kapipindot ko pa lang ng “post,” nag-umpisa na ang bangungot ko. Ang naalala kong “reply” na naging sargo ng sunod-sunod na hagupit ay, “Ano’ng dark day ang pinagsasabi [mo], mga presstitute kayo.”
First time kong natamáan ng látigó ng mga troll. Nilapa ako ng attack dogs ng grupong DDS. Nilagnat ako nung araw na ‘yun. Lagpas isang buwan akong umiwas sa Facebook.










