Kung may isang malinaw na tema ang SONA 2026 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ito ay: ramdam na ramdam na umano ng Malacañang ang bigat ng gastusin ng karaniwang pamilyang Pilipino.
Kuryente. Buwis. Bigas. Gamot. Langis. Ilan lang ito ang mga salitang direktang nakaaapekto sa budget ng bawat tahanan. Kaya hindi nakapagtatakang malakas ang palakpakan nang sabihin ni Pangulong Marcos na panahon na para alisin sa electric bills ang “system loss charges”, pati VAT o buwis na ipinapatong dito. (READ: EXPLAINER: What is system loss, and how does it affect your power bill?)
Aniya, hindi naman kasalanan ng konsyumer kung may system loss. Tama naman.
Ang system loss kasi ay ang kuryenteng nawawala habang dinadala mula planta papunta sa mga bahay at negosyo. May teknikal na dahilan para rito, tulad ng init sa linya at transformer losses. May non-technical din, tulad ng pagnanakaw ng kuryente o illegal connections.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, puwedeng ipasa ng distribution utilities ang bahagi ng system loss sa mga consumer, basta pasok sa cap o quota ng Energy Regulatory Commission (ERC). Sa madaling sabi, nagbabayad tayo hindi lang para sa kuryenteng nagamit natin, kundi pati sa kuryenteng nawala bago pa man makarating sa atin.







