May comedy, action, conflict, iyakan, at suspense nitong nakaraang mga araw. Tuluyan nang umalagwá ang anumáng pagiging kagálang-gálang ng Kongreso.

Halos dalawang linggo na ang nakalipas, pero usap-usapan pa rin naming mga tambay tuwing nagpapalipas kami ng oras ang mga nangyayari sa Senado.

Mahirap makalimutan ‘yung mga ganoong pangyayari. Walang sinabi ang mga kathang isip na teleserye. Totoong naganap ito at bumulagâ mismo sa Senado. Noong araw, mga kapitá-pitágan ang mambabatas sa Kongreso — Senado man ‘yan o Kamara. Sa paglipas ng panahon, parang pumusyáw ang kinang ng tanggapan ng mga mambabatas. Pero noong nasabing linggo, tuluyan nang umalagwá ang anumáng pagiging kagálang-gálang ng Kongreso.

Kung tutuusín, sapat na sana ang drama ng impeachment ni Vice President Sara Duterte para makuha ang atensiyón ng taumbayan. Makasaysayan kasi ito. Impeachment Take 2 niya ito, at si VP lang ang natatanging mataas na opisyal ng bayan ang dalawang beses na na-impeach.

Kaso, nákaw-eksena ‘yung mga naganap sa Senado. ‘Ika nga nung isang katalastásan namin, kumpletos rekados ‘yung “drama” sa Senado: mayroong comedy, action, conflict, iyakan, at suspense.